Martes, Enero 3, 2012

Pamahiin(Malayang Paksa)

                Ang mga Pilipino  ay maraming mga pinaniniwalaang kung anu-anong mga bagay. Iba't-ibang kaugalian, kasanayan, paniniwala at kultura na namana pa natin sa ating mga ninuno na unti-unting nababago dahil sa pasalin-salin na din ito sa iba't-ibang bibig ng mga tao. Isang halimbawa na nito ang mga pamahiin na dala-dala pa din natin hanggang sa kasalukuyan at patuloy [a rin nating pinaniniwalaan.
         
               Ano nga ba ang tinatawag na pamahiin? Ang pamahiin ay isang kaugalian o bagay na ating pinaniniwalaan, dahil ito ay may kaakibat na kahulugan, mabuti 'man o masama, malas 'man o swerte. Sa iyo nakasalalay ang mga mangyayari sa iyo dahil kapag sinunod mo maganda ang kalalagyan mo at kung hindi mo naman susundin, syempre medyo mamalasin ka. Maraming mga pamahiing pinaniniwalaan tayong mga pilipino tulad ng: bawal magwalis tuwing gabi dahil ilalabas mo ang swerte kapag nagwalis ka, bawal isukat ang damit pangkasal bago pa 'man ang araw ng kasal dahil maaaring hindi matuloy ang kasal , mamalasin ka kapag nakakita ka ng itim na pusa, huwag matutulog ng basa pa ang buhok dahil mabubulag ka, huwag magbasa sa mga madidilim na lugar dahil lalabo daw ang paningin, kapag nangati ang iyong kaliwang palad puro gastos ang gagawin mo pero lapag kanang palad naman ang nangati may perang darating sa iyo.


               Iba't-ibang pamahiin, iba't-ibang kundisyon o pangyayari. Para sa akin malaki ang epekto nito sa ating pamumuhay dahil halimbawa, napakadumi ng inyong bahay pagsapit ng kinagabihan, syempre magwawalis ka, alangan namang hayaan mong madumi ang inyong bahay. Kung dati-rati ay sinusunod mo ang pamahiin ngunit ngayon nakuha mo na itong suwayin kasi nga kailangan na talaga. Ito pa ang isang halimbawa, nakakita ka ng itim na pusa at dahil nga naniniwala ka sa mga pamahiin alam mo na mamalasin ka kaya halos ma-depress ka na sa kakaisip sa mga maaaring mangyari na kamalasan sa iyo, pero kung hindi ka naniniwala syempre babaliwalain mo lang ang nangyari kaya wala kang iniisip na mga bagay-bagay at malaya ka pa ding ginagawa ang gusto mo. Kahit gusto natin na gawin ang isang bagay na talagang kailangan nating gawin, parang kailangan pa nating isipin na baka maganda o 'di maganda ang kalalabasan ng ating gagawin dahil sa pamahiin na ating pinaniniwalaan. Gagawin na lang sana pero hindi pa na tuloy.


              Ang paniniwala sa mga pamahiin ay nasa sa ating kagustuhan. Kung gusto mong maniwala bahala ka, walang pumipigil sa iyo at kung ayaw mo namang maniwala 'di wag,hindi ka naman pinipilit. Amg pilipinas naman ay isang malayang bansa kaya malaya kang pumili at gawin ang anu mang gustuhin mo pero kung may gagawin ka mang mga bagay, siguraduhin mo na wala kang naaabala o 'di kaya ay naiistorbo na kapwa mo tao. Sana din ay huwag natin ibase sa nga pamahiin ang mga bagay-bagay sa ating paligid dahil ang mga pamahiing iyan ay wala talagang tamang eksplenasyon, basehan, o pruweba na kapag ginawa mo ito o iyon ay mangyayari sa iyo ito o iyon at saka huwag kaagad maniwala kung hindi mo pa nasasagawa o nasusubukan, kapag nasubukan mo na o 'di kaya ay nakakita ka ng ganoong mga pangyayari, dun ka pa lang siguro maniwala.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento